MANILA, Philippines - Magbibigay ng aginaldo ang Skyway System, South Luzon Expressway (SLEX) at Star Tollway na ililibre ang mga motorista sa toll fee sa darating na Pasko at Bagong Taon.
Inihayag ito kahapon ng Skyway O&M Corporation (SOMCO), Manila Toll Expressway Systems, Inc. (MATES) at Star Tollway Corp. (STAR) bilang pagpapakita ng pagpapahalaga umano sa mga suki nilang motorista na gumagamit ng kanilang mga highways.
Libre ang toll fee mula alas-10 ng gabi ng Disyembre 24 hanggang alas-6 ng umaga ng Disyembre 25 at mula alas-10 ng gabi ng Disyembre 31 hanggang alas-6 ng umaga ng Enero 1.
Sa kabila nito, ang naturang mga ibinigay na oras ng libre toll ang panahon na halos wala na o kokonti nang motorista ang bumibiyahe kaya inaasahan na kakarampot lamang ang makikinabang sa pa-“aginaldong” ito.
Ang Skyway System ay may habang 13.5 kilometro mula Magallanes-Alabang at 16.2 km. mula Buendia-Alabang.
Ang SLEX naman ay may habang 36 km. mula Alabang hanggang Sto. Tomas, Batangas habang ang Star Tollway ay may habang 42 km. mula Sto. Tomas hanggang Batangas City.