Chinese national nagbaril sa sarili

MANILA, Philippines - Hinihinalang nagpatiwakal ang isang Chinese national na natagpuan ang bangkay na may tama ng bala sa sentido sa loob ng inuupahang kuwarto sa isang condominium building sa Pasay kamakalawa ng gabi. Nakilala ang nasawi na si William Ong, 49, binata, at naninirahan sa Unit 1903 Antel Tower A, Antel Seaview Roxas Blvd., ng naturang lungsod. Sa ulat ng Pasay City Police, dakong alas-9 kamakalawa ng gabi nang humingi ng responde ang isang Antonino de Asis, general manager ng Utopia Security Agency, ukol sa pagkakatagpo sa bangkay ng biktima. Agad namang rumesponde ang pulisya sa naturang gusali at tumambad ang malamig nang bangkay ng biktima na nakaupo sa sofa, may tagusang tama ng bala sa ulo. Hawak din ng bangkay ang isang kalibre .38 baril habang natagpuan ang dalawang slug ng bala.

Sa salaysay ni Mrs. Kampui Sy, 76, guardian ng nasawi, sinabi nito na dakong alas-7 kamakalawa ng gabi pa niya tinatawagan sa cellular phone si Ong ngunit hindi ito sumasagot.  Dito niya tinawagan ang kaibigan ni Ong na nakatira sa Antel Tower-C at nang pinuntahan ang kuwarto ng kaibigan ngunit maging siya ay hindi rin pinagbuksan. Dito na humingi ng tulong si Sy sa maintenance crew ng gusali at puwer­sahang binuksan ang kuwarto sanhi upang unang madiskubre ang bangkay ni Ong.

Show comments