MANILA, Philippines - Hindi suportado ng Whistleblower Association si SPO3 Alexander Saez, ang nag-akusa sa mga taga-Taguig Police na nagre-recycle umano ng droga para ibenta dahil sa may halo umanong pulitika.
Ayon kay Whistleblower Association president Sandra Cam, lumapit sa kanila si SPO3 Saez subalit nalaman nilang may kinalaman ang ilang politiko sa ginawa nitong paglalantad.
“Can’t really say that we support him kasi medyo naalangan kami dahil nalaman namin na nasa likod ay kampo ng politiko. Ayaw naming pagamit sa pulitika,” sabi ni Cam ng hingan ng reaksyon sa paglantad ni Saez.
Sa panig naman ng NBI, pinaliwanag ni NBI Anti Graft Division Acting Chief Renoir Baldovino na “misquoted” ito sa lumabas sa isang pahayagan na nagsasabing walang nakikitang posibleng personalidad o pulitiko na nasa likod ng naging pagbubunyag ni Saez.
Ani Baldovino wala siyang sinabing ganun dahil lubhang maaga pa umano na sabihin na walang pulitika sa alegasyon o taong nasa likod ni Saez lalo umano at nasa inisyal pa lamang ang kanilang imbestigasyon.
Aminado rin ang NBI na wala pa silang nakikitang sapat na ebidensya na magdidiin sa mga pulis Taguig sa pangunguna ni Senior Supt. Tomas Apolinario at siyam na iba pa dahil na rin sa kabiguan ni Saez na magsumite ng mga dokumento o ebidensyang magpapatibay sa kanyang akusasyon.
Bukod dito ay nabigo rin umano si Saez na dumalo sa imbestigayon nang imbitahan ito ng ahensya.
Matatandaan na una nang sinabi ni Apolinario na malinaw na paninira lamang sa Taguig ang motibo sa akusasyon ni Saez.
Aniya, sa loob ng dalawang taon ay naging matagumpay ang Taguig Police sa paglaban kontra sa droga kung saan patunay dito ang ilang pagkilala na ginawad sa Taguig Police dahil sa dami ng nakumpiskang droga at pagkakadakip sa mga bigtime drug pusher.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Justice Secretary Leila de Lima na wala pa sa Witness Protection Program si Saez.
Bagamat nagpahayag si Saez ng intensyon na mapabilang sa protection program ng ahensya, nabatid na kailangan umanong matapos muna ang imbestigasyon ng NCRPO at NBI bago mapag-aralan kung posible itong makapasok sa WPP.