MANILA, Philippines - Mas pinaaga ang pagsasara ng operasyon ng Light Rail Transit Line 1 at 2 sa bisperas ng darating na Pasko at Bagong Taon dahil sa inaasahang pagbaba umano ng bilang ng pasahero.
Sinabi ni LRT Authority officer-in-charge Engr. Emerson Benitez na base sa kanilang rekord sa loob ng limang nakalipas na taon, lumalabas na bumababa talaga ang bilang ng pasahero sa Disyembre 24 at Disyembre 31. Dahil dito, magbubukas ang LRT Line 1 (Roosevelt-Baclaran) sa Disyembre 24 ng alas-5 ng umaga at magsasara ng alas-8 ng gabi. Sa Disyembre 31, magbubukas ito ng alas-5 ng umaga at magsasara ng alas-7 ng gabi.
Sa LRT Line 2 (Santolan-Recto), magbubukas ito sa Disyembre 24 ng alas-5 ng umaga at magsasara ng alas-8 ng gabi sa Santolan at alas-8:30 ng gabi sa Recto station. Sa Disyembre 31, magbubukas ito ng alas-5 ng umaga at magsasara ng alas-7 ng gabi sa Santolan at alas-7:30 ng gabi sa Recto station.
Bukod dito, sinabi ni Benitez na nais rin nila na mapauwi ng mas maaga ang kanilang mga tauhan upang makasama ng mas mahabang oras ang kani-kanilang pamilya sa pagseselebra.
Muli namang humingi ng pang-unawa ang pamunuan ng LRTA sa mga pasahero sa mas pinahigpit nilang seguridad at inspeksyon. Mahigpit umanong ipinatutupad ang “no inspection, no entry policy” maging sa mga pasaherong may dalang mga nakabalot na regalo na kailangang buksan ng kanilang mga tauhan.