MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang dating pulis na ngayon ay tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nang paulit-ulit na paputukan ng baril ng isang seaman na rumesbak dahil sa pagkamatay ng kapatid sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Arnold Reno, ng Paraiso Extn., Magsaysay Village, Tondo, sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Arestado naman ang itinuturong suspect na si Romeo Hernandez, 30, seaman ng Velasquez St., Tondo.
Sa ulat ni PO3 Mario Asilo ng Manila Police District dakong alas-8:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng compound sa Trinidad St., Block 2, Tondo, Maynila.
Naglalaro umano ng mahjong ang biktima, kasama ang mga kaibigan, nang dumating ang suspect ay walang sabi-sabing pinagbabaril ang una.
Tila hindi pa nasiyahan ang suspect nang bumagsak ang biktima ay dalawang beses pa ulit pinagbabaril na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Makalipas ang ilang oras, nadakip na ang suspect.
Sinabi ni Chief Insp. Ismael dela Cruz, hepe ng MPD-Homicide Section, galing umano ang saksi sa isang internet shop nang nakarinig ito ng putok ng baril at paglabas nito ay nakita ang suspect na naglalakad at itinatago na ang baril sa beywang.
Sinabi ni Dela Cruz na paghihiganti umano ang nakikitang motibo sa pagpatay dahil gusto umanong ipaghiganti ng suspect ang kanyang kapatid na umano’y pinatay ng kaibigan ni Reno, subalit ito ang niresbakan.