MANILA, Philippines - Utas ang isang 15-anyos na binatilyo nang barilin ng isa sa nakainitang grupo rin ng kabataan sa unang araw ng Simbang Gabi sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng umaga
Dead-on-arrival sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Bryan Kenneth Cali, ng Choco St., Tondo Maynila bunga ng tinamong ng tama ng bala sa ulo.
Iniimbestigahan ang grupo ng suspect na may 40 umano ang bilang na nakabanggaan ng grupo ng biktima mula sa simbahan hanggang sa muling magpang-abot sa kalye at nauwi sa pamamaril sa biktima.
Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez ng MPD-Homicide Section, dakong alas-5:00 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa biktima sa Sta. Maria St., Moriones, Tondo.
Nabatid sa imbestigasyon na sa loob ng simbahan pa lamang umano ay nagkakantiyawan na ang grupo kaya nang matapos ang misa ay nag-abangan sa labas ang mga ito na humantong sa kaguluhan.