MANILA, Philippines - Ipatutupad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon ng “bus segregation scheme” ngayong Martes upang higit na mapaghandaan ito.
Inamin ni MMDA Chairman Francis Tolentino na may ilang pang mga “bus stops” ang hindi pa nakukumpleto habang nasa 60 porsiyento pa lamang ng mga pampasaherong bus ang nakabitan nila ng stickers na “A at B”.
Sa ilalim ng “bus segregation scheme”, itatalaga ang letrang A sa mga bus na biyaheng Alabang habang B naman sa mga bus na biyaheng Baclaran. Maaaring magsakay at magbaba lamang ang naturang mga bus sa mga bus stops na may katulad na letra. Maglalagay rin naman ng mga “common bus stops” ang MMDA sa EDSA. Pipinturahan ang mga bus stops A ng asul habang pula naman sa bus stops B.
Dahil dito, inaasahan na mapapabilis ang biyahe ng mga bus dahil sa hindi na kailangan magsiksikan sa iisang bus stops ang mga bus na magkakaiba ang biyahe habang madidisiplina umano ang mga pasahero na maghintay sa tamang bus stops.
Hindi pa man tuluyang naipatutupad, mainit na ang ulo ng mga bus driver dahil sa tagal ng proseso ng MMDA sa bus segregation scheme. Ayon sa ilang bus driver, imbes na makatulong, nagiging sagabal pa ang proseso ng bus segregation.
Ngunti sang-ayon naman dito ang ilan pang driver dahil sa magkakaroon ng sistema. Ang mga ayaw lamang umano sa naturang plano ay ang mga driver na sadyang pasaway sa batas trapiko.