Mag-asawa lasog sa tanker
MANILA, Philippines - Nalasog ang katawan ng isang mag-asawa matapos na aksidenteng mabundol ng tanker truck ang kanilang motorsiklo at masagasaan pa sa may Commonwealth Avenue, lungsod Quezon, kamakalawa.
Dead-on-arrival sa Malvar General Hospital ang mga biktimang sina Moises Caneba, Jr., 45, mason at asawang si Leonida, 48, kapwa residente ng #10 Laura St., Purok 5, Old Balara sa lungsod.
Kasong reckless imprudence resulting damage to property with multiple homicide ang kinakaharap naman ng driver na si Teudy Gallaza, 44, may-asawa ng #2601 H7 Jesus St., Pandacan, Manila.
Ayon kay PO3 Perlito L. Datu ng Quezon City Traffic Sector 3, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Elliptical Road, corner Commonwealth Avenue, harap ng Philippine Coconut Authority, Bgy. Old Balara, ganap na alas-5:45 ng hapon.
Lumalabas na sakay ang mag-asawa ng motorsiklo at binabagtas ang Elliptical Road, galing sa Commonwealth Avenue at patungong North Avenue. Pagsapit sa naturang lugar ay biglang nasagi ang tagiliran ng motorsiklo ng mga biktima ng tanker na minamaneho ni Gallaza na papatawid naman sa lugar.
Dahil dito, tumimbuwang ang motorsiklo kasama ang mag-asawa, saka muling nasagasaan ng tanker sanhi para magtamo sila ng matinding pinsala sa katawan.
- Latest