Jeepney, pedicab driver todas sa pananaksak

MANILA, Philippines - Patay ang jeepney at pedicab driver matapos na pagsasaksakin sa magka­hiwalay na insidente sa lungsod ng  Maynila.

Ayon kay SPO1 Mario Asilo, ng Manila Police District-Homicide Section, namatay habang gina­gamot sa Justice Jose Abad Santos­ General Hospital  ang biktimang si Cesar Layosa, 52, jeepney driver, ng  #649 Blk 1 Baseco, Port Area, Maynila, dahil sa tat­long­ saksak sa katawan habang arestado naman ang suspect na si Dionisio Cabanday, 50, at kasa­lukuyang nakakulong ngayon sa  MPD-Police Station 11.

Batay sa imbestigas­yon, naganap ang insidente alas-5 ng hapon sa kanto ng Dasmariñas Bridge at Muelle de Binondo, Maynila­.

Minamaneho  ng biktima ang kanyang pampasaherong jeep (DEN-124) na may rutang Divisoria-Sta. Cruz nang businahan nito ang suspect na nagma­maneho ng kanyang pedicab.

Ikinagalit  ito ng suspect at minura ang biktima na ginantihan din ng mura  ng biktima hanggang sa mauwi sa sagutan.

Sa puntong iyon, bumunot umano ng patalim ang suspect at sinugod ang biktima saka sinaksak ng  tatlong ulit.

Samantala, hindi naman naisalba pa ng mga doktor sa Tondo General Hospital ang biktimang si Danilo Mahinay, 47, pedicab driver­, ng Balut, Tondo, nang saksakin ng nakatakas na suspect na nakilala lamang sa pangalang  Tikboy­.

Sa pagsisiyasat ni  SPO1 Charles Duran, ng Manila Police District- Homi­cide Section, alas-6 ng umaga  nang maganap ang insidente sa tinutu­lugan ng biktima sa garahe ng truck sa panulukan ng Kawit­ at Buendia Sts. Tondo­, Maynila­.

Ayon sa mga saksing sina Regie Damian, 27, at Lorelyn Valencia, nakita  na lang nila na binabato ng biktima ang suspect at nang mahawakan ng suspect  ang biktima ay kinalawit sa leeg bago sinaksak ng tatlong beses.

Sinabi ni Duran na dayo lamang sa lugar ang  suspect­ na naghe-helper sa mga dumarating na truck.

Aniya, maangas umano ang biktima at madalas na binu-bully ang suspect kung kaya’t natiyempuhan  na kagigising lamang ng  huli na humantong sa away at pananaksak.

Nagsasagawa naman ng follow-up operations ang pulisya upang madakip ang suspect.

 

Show comments