MANILA, Philippines - Nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) -Anti-Organized Crime Division (AOCD) ang may 26 na sako ng sangkap ng pampasabog sa isinagawang pagsalakay sa isang duplex na matatagpuan sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Arestado ang isang Joel Antonio na siyang dinatnan ng mga operatiba sa 2725 P. Guevarra St., Sta.Cruz, Maynila, dakong alas- 8:00 ng umaga kung saan nakuha ang nasabing mga pampasabog.
Ayon sa NBI, ang naturang mga sako ay may lamang ammonium nitrate na ginagamit na sangkap sa paggawa ng dinamita at iba pang uri ng pampasabog na ikinubli sa label na chick booster.
Itinanggi naman ni Antonio na kaniya ang mga nasabing epektos, bagkus ay itinuturo niya ang isang Willy Sanchez na nakiiwan lamang nito.
Nabatid na subject din sa search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court si Sanchez.
Ang laman ng mga sako ay may kapasidad na makabuo ng bomba na kayang pasabugin ang isang gusali.
Patuloy pang iniimbestigahan si Antonio upang matukoy kung saan gagamitin ang nasabing kemikal at kung may kaugnayan ito sa planong paghahasik ng terorismo.