Lolo nagsaksak sa sarili

MANILA, Philippines - Dahil sa hindi malunasan ang 10-taon nang  pabalik-balik na tuberculosis, winakasan ng isang 67-anyos na lolo ang sariling buhay sa pamamagitan ng pag­saksak sa sarili, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Nakilala ang nasawi na si Igmidio Villegas, residente ng Cruz St., Malibay, Pasay.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:20 kamakalawa ng gabi nang madiskubre ng kanyang 8-taong gulang na apo ang bangkay ng biktima sa sala ng kanilang bahay.  Agad na tumawag ito sa telepono sa kanyang tiyahin at humingi ng saklolo­.

Sa imbestigasyon ng Pasay City Investigation Division­, lumitaw na madalas sabihin umano ng biktima sa mga anak na nais na niyang mamatay dahil hindi gumaling ang kanyang sakit na tuberculosis na nagpapabalik-balik lamang sa kabila ng pagpapagamot at nagpapahirap sa kanya.

Isang kitchen knife ang  ginamit ng biktima sa pagtarak sa kanyang dibdib. Natagpuan naman ng pulisya ang duguang patalim sa ibabaw ng mesa bagama’t inamin ng isang anak ng nasawi na si Maricel na siya ang naglagay nito nang damputin ang kutsilyo buhat sa sahig.

 

Show comments