MANILA, Philippines - Nakatitiyak na ang mga barangay officials na may seguridad na sila habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin matapos na tanggapin ang insurance identification cards mula kay Manila Mayor Alfredo S. Lim.
Kasama ang ilang opisyal ng FLT Prime Insurance Corporation, ipinamahagi ni Lim ang 15,000 insurance ID cards sa mga barangay officials sa San Andres Sports Complex sa Manila.
“Kami po’y nasisiyahan na ipamigay sa inyong mga barangay chairmen, kagawad at tanod ngayong araw itong mga insurance policy cards. Sa January naman ay ang sa mga SK sapagkat hindi naman kasi natin pwedeng pagsabay-sabayin,” ani Lim.
Ang pamamahagi ng insurance policy cards ay bahagi ng social programs ni Lim sa ilalim ng “Handog Pagmamahal ni Mayor Alfredo S. Lim,” na naglalayong mabigyan ng proteksiyon at seguridad ang mga barangay officials at kanilang mga pamilya.
Umaasa ang alkalde na tuluy-tuloy ang ganitong uri ng serbisyo kahit matapos na ang kanyang termino.
Ayon naman kay Nicolas Uy de Baron, General Manager ng FLT Prime Insurance Corporation, nagsimula na ang effectivity ng insurance card kahapon at matatapos ng Disyembre 12, 2013. Kabilang sa coverage nito ang Accidental Death and Disablement P50,000; Burial Cash Assistance (due to accident only) P5,000; Unprovoked Murder or Assault P25,000 at Motorcycling P25,000.
Bukod kay Lim, kasama ring namahagi sina Manila Barangay Bureau chief Atty. Analyn Buan Vice Mayoral candidate, Councilor Lou Veloso, Councilor Josie Siscar, Councilor Ramon Morales, Brgy. Chairpersons Thelma Lim, Jaime Co, Francis Villegas, Joey Venancio; Severino Reyes at Jograd dela Torre.