Fire volunteers pinuri ni Lim

MANILA, Philippines - Pinapurihan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang ng mga fire volunteers na tumutupad sa tungkulin sa panahon ng sunog, emergencies at kalamidad.

Sa kanyang pagsa­salita sa TXTFire Philippines Christmas Grand Eyeball na ginanap sa Chiang Kai Shek College Auditorium sa Tondo, sinabi ni Lim na ang mga ito ay maituturing na ‘unsung’ heroes. Kasama ni Lim sina third district Councilor Ramon Morales at tumatakbong konsehal sa unang distrito ng Maynila na si Raffy Jimenez.

Ayon kay Lim, lubos ang kanyang pasasa­lamat sa grupo na pi­namumunuan ni Gerie Chua, kung saan wa­lang sawa itong namimigay ng tulong  sa mga nangangailangan kabilang na ang pamamahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng kalamidad at blood donations. Dumalo din sa okasyon si ho­norary chairman Fran­­cisco Guevarra.

Bilang pasasalamat, tiniyak din ng alkalde na mabibigyan ng libreng medical services sa mga ospital ang mga fire volunteers na masasaktan  sa kanilang serbisyo.

Kabilang dito ang Gat Andres Bonifacio Me­dical Center,  Ospital ng Tondo,  Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila at ang Sta. Ana Hospital.

Samantala, pinarangalan ni Lim ang  may 1,600 volunteer firefighters na patuloy sa pagtulong at pagtaya sa kanilang mga buhay.

Nagpasalamat naman si Chua kay Lim  sa suporta nito sa grupo  at tutumbasan din nito ang tulong ng  alkalde.

 

Show comments