3 armado nagpanggap na abogado: Lider ng ‘Ozamis robbery group’, itinakas sa Munti

MANILA, Philippines - Muli na namang nalagay sa kontro­ber­sya ang New Bilibid Prison (NBP) makaraang isang preso na lider ng Ozamis robbery/holdup group ang itinakas ng tatlong armadong lalaki na nagpanggap na mga abogado kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.

Ayon sa ulat, dakong alas-6:20 ng uma­ga nang dumating ang tatlong lalaki sa Reception Diagnostic Center sa West gate ng NBP at nagkunwaring mga abogado ng convicted inmate na si Ricky Cadavero, “alyas Kambal”, lider ng Ozamis robbery holdup group.

Nabatid, na habang kausap ng isa sa tatlong lalaki si Cada­vero ay bigla namang tinutukan ng dalawa ang  mga nagbabantay na prison guard ng NBP na kasalukuyang nasa gate ng nasabing piitan.

Dito na naitakas ng mga suspek si Cada­vero gamit ang dalawang motorsiklong naghihintay sa labas ng bilangguan.

Nataranta naman ang mga prison  guard na pansamantalang hindi binanggit ang mga pangalan ng mga ito ng pamunuan ng NBP at wala aniya  silang nagawa dahil sa bilis ng mga pangyayari.

Ayon pa  sa pulisya, si Cadavero ang itinuturong nasa likod ng  Alabang Town Center robbery sa  Muntinlupa noong Setyembre 14  at nasa likod din ng 17  beses na  pangho-holdap sa mga mall sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan kabilang ang Robinson Metro East, Robinsons Galleria at Robinsons Novaliches, Robinson sa Dasmariñas at Landbank sa Quezon City noong 2008.

Matatandaan na si  Cadavero ay  dinakip ng mga tauhan ng SPD sa inuupahang bahay nito sa Cavite kung saan nakumpiska sa kanya ang tatlong  passbook na nagla­laman ng P1.2 milyon, Mitsubishi Montero, Honda CRV at Toyota Innova.

Kasama ring na­aresto ang live-in partner ni Cadavero na si Fe Tolentino, at mga miyembro ng sindikato na sina Randy Maratas at Avelino Lagata.

Si Cadavero ay hi­na­­tulang mabilanggo dahil sa apat na kasong kinakaharap nito tulad ng robbery holdup ng Quezon City Regional Trial Court Branch 215 noong nakaraang taon at bago ito naaresto ay na­unang inaresto ang walo niyang miyembro.

 

Show comments