Bosero kalaboso

MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng 48-anyos na mister matapos arestuhin ng pulisya sa kasong pamboboso sa kanyang landlady habang naliligo sa loob ng palikuran ng kanilang bahay sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City. Ayon kay PO3 George Madrid, may-hawak ng kaso, inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek na si Jose Rufino. Ayon sa pulisya, ang suspect ay umuupa sa kuwarto na pag-aari ng biktimang itinago sa pangalang Roda, 36. Nabatid na naliligo ang biktima nang mapuna nito na may tao sa labas at naninilip sa bintana. Sa takot, agad na lumabas sa palikuran ang biktima kahit hindi pa ito tapos maligo para mag-usisa at nadiskubre ang suspek na sinasabing nakatuntong sa plastic stool at naninilip sa kanya. Kaya nang makita ng suspek ang biktima ay na­patalon ito at tumakas pero hinabol ng babae kung saan inaresto naman ng mga barangay tanod.

Show comments