MANILA, Philippines - Nakasabat ang Bureau of Customs (BoC) ng mga smuggled parts ng malalakas na kalibre ng mga baril sa Pasay City kahapon.
Iprinisinta ni Customs Commissioner Ruffy Biazon sa media ang 20 pirasong smuggled gun parts na nagmula sa Florida, USA matapos itong masakote nina Assistant Chief Legal and Investigation Customs police Byron Carbonell ng BoC Task Force React at Special Agent Alfredo Ante Jr. sa Central Mailing Exchange Center (CMEC) ng nabanggit na lungsod.
Base sa report, ang kontrabando ay naunang idineklarang Hershey chocolate bars at mga used books na ang consignee ay isang Ms. Jaydi Miranda, 42, ng Viola St., Santa Rita, Bulacan.
Napag-alaman pa rin na ang naturang parcel ay dumating sa CMEC noong Nobyembre 29, 2012.
Subalit nang magsagawa nang examination ang Customs examiner na si Ibrahim Boloto ay napakabigat, kaya’t nagduda ang mga tauhan ni Biazon hinggil dito.
Nang magsagawa na nang inspection sina Carbonell at Ante, nabatid na hindi pala tsokolate ang laman nito at nadiskubre nila na parte ng malalakas na de-kalibreng mga baril.
Ang naturang barrel na 7.62mm para sa 14 tactical rifle ay nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang BoC hinggil sa naturang kontrabando.