MANILA, Philippines - Hindi na papayagan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na mairehistro simula sa Enero ng susunod na taon ang mga bulok at kakarag-karag na mga pampasaherong sasakyan sa bansa laluna ang mga lumang garage-to-terminal (GT) express vehicles na mahigit 10 taon nang pumapasada sa Metro Manila.
Ayon kay LTFRB Chairman Jaime Jacob, na karamihan sa mga sasakyang ito ay sira na ang aircon at may kakaiba nang amoy dahil sa sobrang pagkaluma at maging ang interiors ay hindi na komportable sa mga mananakay. May 34 percent ng 20,000 units ng Asian Utility Vehicles (AUVs) at vans ay nabigyan ng franchise noon bilang GT express vehicles noong panahon ni dating LTFRB Chairman Thompson “GT” Lantion.
Sinabi ni Jacob na kung intact pa ang franchise ng mga bulok na AUVs na ito ay dapat na palitan agad ito ng brand new. Sinasabing may 10 taon lamang ang buhay ng franchise ng AUVs pero nadagdagan pa ito ng 3 taon dahil sa kahilingan ng mga operators. Pero kung naka 13- taon na ay dapat nang tuluyang igarahe simula sa Enero at hindi na irerehistro ng LTO.