MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng mag-lover makaraang bugbugin at tangkain pang saksakin ang misis ng lalaki makaraang madiskubre ang kanilang bawal na relasyon, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Nahaharap ngayon sa kasong attempted homicide at physical injuries ang mga suspek na sina Ronaldo Rullan, 40, at Jovy Talino, 28, manikurista, kapwa ng Maricaban ng naturang lungsod.
Inireklamo ito ng misis ni Rulan na si Mila, 35, at residente ng Saint Bernadette St., Maricaban, ng naturang lungod.
Sa inisyal na ulat ng Pasay Police, sinabi ni Mila na hinanap niya ang kanyang asawa na umalis ng bahay at matagal na’y hindi pa bumabalik.
Dakong ala-1:15 ng madaling-araw nang makita niya ang mister at isang babae sa isang eskinita sa kanilang lugar na naglalampungan habang nakikipag-inuman.
Galit na sinita ni Mila ang dalawa ngunit sa halip na kapwa mahiya sa kanilang ginagawa, galit pa umano ang dalawang magkalaguyo. Sinuntok umano ni Talino ang misis at nagbunot ng patalim at hinabol ng saksak ang biktima.
Nakahingi naman ng tulong sa mga tanod na nasa barangay hall ang biktima na naging daan sa pagkakaaresto kina Ronaldo at sa kalaguyo na si Talino. Nakumpiska sa mga ito ang isang patalim na may habang siyam na pulgada.