MANILA, Philippines - Dalawang estudyante ng Far Eastern University (FEU) ang nasawi habang isa pa ang nasugatan makaraang ratratin ng isang lalaking armado ng baril sa tapat ng kanilang eskwelahan sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktima ay pawang miyembro ng cheering squad ng nasabing unibersidad.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa University of Sto. Tomas (UST) Hospital ang mga biktima na kinilalang sina Gerald Ramos, 21, ng Binondo, Maynila at Juan Paulo Nepomuceno, 17, ng Sampaloc, Maynila.
Malubha ding nasugatan sa likurang bahagi ng katawan ang isa pang estudyante at ginagamot ngayon sa Mary Chiles Hospital na kinilalang si Adrian Joseph Santiago, 17, ng Poblacion, Baliuag, Bulacan.
Inilarawan ang suspect na may taas na 5’4-5’6, mahaba ang buhok, katamtaman ang pangangatawan, at armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Si Ramos ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng kanyang dibdib at leeg at idineklarang patay ganap na alas-8:40 ng gabi.
Samantalang si Nepomuceno ay binawian ng buhay, ganap na alas-10:25 ng gabi matapos isailalim sa surgical operation dahil sa tinamong tama ng bala sa dibdib, leeg at likod.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO1 Ramir Dimagiba, ng MPD-Homicide Section, dakong alas-7:45 ng gabi ng Martes nang maganap ang insidente sa R. Papa St. malapit sa Nicanor Reyes Sts. sa Sampaloc.
Sa imbestigasyon, kalalabas lamang umano ng mga biktima sa unibersidad at papunta na sana sa gymnasium sa R. Papa St. nang salubungin ng suspect at saka sunud-sunod na pagbabarilin.
May nakuha nang kopya na kuha ng closed circuit television (CCTV) ang pulisya subalit malabo umano ito kaya nangangalap pa ng iba pang kuha sa kalapit na mga establisemento para makilala ang salarin.
Tinitingnan ang anggulong frat war.