MANILA, Philippines - Nasa kabuuang 5,232 iba’t ibang uri ng mapanganib na armas na nakumpiska ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang nakatakdang isuko sa Philippine National Police (PNP).
Iprinisinta kahapon ni LRTA spokesman Atty. Hernando Cabrera ang kahun-kahong mga armas na nakumpiska nila sa ipinatutupad na paghahalughog at pagkapkap sa mga pasahero sa bawat istasyon ng LRT Line 1 (Roosevelt-Baclaran) at Line 2 (Santolan-Recto).
Kabilang sa pinakamarami nilang armas na nakumpiska ang ballpen knives, mga belt knives, belt knuckles, ang paboritong balisong, toy guns, teaser guns, hacksaw knives, at iba’t ibang uri at hugis ng patalim.
Kasama rin sa ilang nakumpiska ang mga mapupurol na itak na posibleng ginamit sa paglilinis ng mga puntod, tari sa manok, iba’t ibang uri at laki ng mga kutsilyo na gamit sa pagkatay ng hayup at maging ang pinakasimpleng bamboo stick na gamit na pantusok ng banana que.
Sinabi ni Cabrera na nakikipag-ugnayan na sila sa PNP para sa angkop na pangangalaga ng naturang mga armas.
Kasabay nito, nanawagan si Cabrera sa mga pasahero ng LRTA na maging pasensyoso sa ginagawa nilang inspeksyon ng kanilang bagahe dahil sa hangad nila ang kanilang kaligtasan sa loob ng kanilang mga istasyon. Patunay umano dito ang napakarami nilang nakumpiskang armas at patalim na maaaring magamit ng mga masasamang-loob sa loob ng mga tren at maging daan sa paglalagay sa panganib sa mga pasahero.