MANILA, Philippines - Apat na holdaper ang bumulagta makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga pulis sa magkahiwalay na insidente ng holdapan sa Quezon City at Maynila.
Sa lungsod Quezon, tatlo ang napatay na holdaper makaraang makipag-engkwentro sa tropa ng pulisya ilang minuto matapos na maispatang hinoholdap ang isang pampasaherong jeepney kahapon ng madaling-araw.
Ang mga nasawing suspect ay natukoy sa alyas na Tata, may taas na 5’4’’, payat, nakasuot ng itim na shirt, at puting short pants, may tattoo ng Kia at Mhay sa dibdib at tribal sa kanang kamay; ang isa naman ay nakilalang si Romeo Bertulfo, may edad na 30-35, may taas na 5’6’’, nakasuot ng asul na short pants at asul na t-shirt, at may tattoo na Bok sa kaliwang kamay; habang ang isa ay nakilala sa alyas na Nelson, may taas na 5’5’’, slim, nakasuot ng kulay pulang t-shirt at jersey short pants.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa harap ng PCSO building sa kahabaan ng E. Rodriguez Sr., Brgy. Tatalon ganap na ala-1:45 ng madaling-araw.
Sakay umano ng jeepney (NJL-873) ang mga biktima at mga suspect na nagkunwaring mga pasahero nang biglang magdeklara ng holdup ang mga huli.
Tiyempo namang nagpapatrulya ang isang mobile car ng tropa ng Police Station 11 at napuna ang komosyon sa loob ng nasabing jeepney.
Agad na sinundan ng mga operatiba ang jeepney, hanggang makita na bumaba ang mga suspect mula rito at may bitbit na baril.
Dahil dito, nagpasya ang mga awtoridad na lapitan ang mga suspect para komprontahin pero sa halip na makinig, biglang pinaputukan ng mga suspect ang mga awtoridad sanhi para gumanti ng putok ang mga huli at mauwi sa engkwentro.
Samantala sa Maynila naman, dead-on-the-spot din ang isang hindi pa kilalang holdaper nang mabaril ng mga rumespondeng pulis makaraang maunang magpaputok nang sitahin, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inilarawan ang nasawi sa edad na 30-35, may tatooo na Commando gang, katamtaman ang katawan, nakasuot ng long sleeve na kulay puti, tsinelas at maong na pantalon.
Dakong alas-11:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa Road 10 cor. Sandico st., Tondo.
Nabatid na habang nagpapatrulya ang Anti-Crime Unit ng MPD-Station 2 ay humingi ng saklolo ang naholdap mula sa pampasaherong dyip na si Graciano Sanchez, 30, salesman, ng Tondo, Maynila.
Agad na itinuro ang direksiyon ng tatlong holdaper na bumiktima sa kanya at nang mamataan ay sinita umano ng mga pulis subalit nagpaputok ng baril ang nasawi kaya siya ginantihan ng putok, habang ang dalawang hindi pa kilalang kasamahan ay nakatakas.