MANILA, Philippines - Kapwa nasa kritikal na kondisyon ang magkapatid nang pagbabarilin ang mga ito ng kanilang kalugar, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial hospital ang mga biktima na sina Joselito Mangali, 49, binata, laborer, at ang kapatid nitong dalaga na si Rachell, 35, ng Brgy. Tangos ng nabanggit na lungsod sanhi ng mga tinamo ng tama ng kalibre 22 sa katawan at ulo.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Jonathan Lacaba, ng nasabi ring barangay.
Lumalabas sa report ng Navotas City Police, naganap ang insidente dakong alas- 6:15 ng gabi sa bahay ng biktima sa nasabing lugar.
Nabatid, na nag-iinuman sina Joselito at si Jonathan at habang kapwa lasing na ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa biglang umalis ang suspek.
Ilang saglit pa, bumalik ito at lingid sa kaalaman ng biktima, may dala na itong baril kaya dito na namagitan ang kapatid na babae ng biktima na si Rachell pero pareho na silang pinaputukan ng suspect.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, na-rekober ng mga pulis ang ginamit na baril ng suspek sa bahay nito na iniwan bago tumakas.Inaalam ng mga pulis ang tunay na motibo sa insidente.