‘Whistle blower’ na parak nagpasaklolo sa NBI

MANILA, Philippines - Nagpasaklolo sa National Bureau of Investigation  ang isang pulis na tumatayong ‘whistle blower’ kaugnay sa umano’y talamak na bentahan ng iligal na droga sa lungsod ng Taguig na pinagkakakitaan umano ng mga kabaro niya at mismong naging hepe ng Taguig City police.

Sa pagtungo sa NBI, nais ni PO3 Alexander Saez, imbestigador ng Taguig City Police Station Anti-Illegal Drugs Operations Task Force na mabigyan siya ng proteksiyon  dahil nakatatanggap na siya umano ng pagbabanta sa kanyang buhay.

Nabatid kay PO3 Saez na dalawang buwan na ngayon ang nakalilipas nang ipinara­ting niya sa pamamagitan ng liham kay NCRPO chief, Chief Supt. Leonardo Espina ang  ilegal na gawain  ng kanilang hepe kaugnay  sa mga nahuhuling drug pusher at nasasamsam na illegal drugs  sa mga lugar na hindi na nila sakop ang hurisdiksiyon.

Sa sandali aniyang ma­dakip ang malalaking ‘tulak’  ng shabu ay kanilang hinihingan ng malaking halaga habang ang nakumpiskang shabu ay ibinebenta nila sa mga drug pusher sa Taguig.

Ibinunyag niya rin  na dalawang blotter  ang ginagamit ng Taguig City police, ang isa ay legal  na kanilang sinusulatan ng maliliit na kaso at ang  additional blotter naman ay listahan ng malalaking krimen na sa kalaunan ay tinatapon lamang sa basura.

Noong  nakalipas na Nob­yembre 19, ay tinatawagan siya ng isang PO2 Gajeto na imbestigador umano ng RPIOU ng NCRPO, at pinakita sa kanya na nakarating na kay General Espina ang kanyang liham na may note na rin ng “for action” na pirmado ng NCRPO chief, kaya natuwa siya.

Gayunman, habang hinihintay aniya ang investigation findings sa kanyang ibinunyag na anomaly ay nagulat siya dahil  kanyang napag-alaman na siya ay sinampahan ng libelo sa Taguig city Prose­cutor’s Office ng mga kasama at ginamit na ebidensiya ang nag-leak niyang liham kay General Espina.

Kaugnay nito, nanga­ngamba si PO3 Saez na walang maganap na imbestigasyon kaugnay sa kanyang siniwalat na kontrobersiyang sangkot ang matataas na opisya­l ng Taguig City police lalo pa at nagkaroon ng leakage­ sa confidential information sana na kanyang pinarating sa NCRPO chief.

Show comments