‘Whistle blower’ na parak nagpasaklolo sa NBI
MANILA, Philippines - Nagpasaklolo sa National Bureau of Investigation ang isang pulis na tumatayong ‘whistle blower’ kaugnay sa umano’y talamak na bentahan ng iligal na droga sa lungsod ng Taguig na pinagkakakitaan umano ng mga kabaro niya at mismong naging hepe ng Taguig City police.
Sa pagtungo sa NBI, nais ni PO3 Alexander Saez, imbestigador ng Taguig City Police Station Anti-Illegal Drugs Operations Task Force na mabigyan siya ng proteksiyon dahil nakatatanggap na siya umano ng pagbabanta sa kanyang buhay.
Nabatid kay PO3 Saez na dalawang buwan na ngayon ang nakalilipas nang ipinarating niya sa pamamagitan ng liham kay NCRPO chief, Chief Supt. Leonardo Espina ang ilegal na gawain ng kanilang hepe kaugnay sa mga nahuhuling drug pusher at nasasamsam na illegal drugs sa mga lugar na hindi na nila sakop ang hurisdiksiyon.
Sa sandali aniyang madakip ang malalaking ‘tulak’ ng shabu ay kanilang hinihingan ng malaking halaga habang ang nakumpiskang shabu ay ibinebenta nila sa mga drug pusher sa Taguig.
Ibinunyag niya rin na dalawang blotter ang ginagamit ng Taguig City police, ang isa ay legal na kanilang sinusulatan ng maliliit na kaso at ang additional blotter naman ay listahan ng malalaking krimen na sa kalaunan ay tinatapon lamang sa basura.
Noong nakalipas na Nobyembre 19, ay tinatawagan siya ng isang PO2 Gajeto na imbestigador umano ng RPIOU ng NCRPO, at pinakita sa kanya na nakarating na kay General Espina ang kanyang liham na may note na rin ng “for action” na pirmado ng NCRPO chief, kaya natuwa siya.
Gayunman, habang hinihintay aniya ang investigation findings sa kanyang ibinunyag na anomaly ay nagulat siya dahil kanyang napag-alaman na siya ay sinampahan ng libelo sa Taguig city Prosecutor’s Office ng mga kasama at ginamit na ebidensiya ang nag-leak niyang liham kay General Espina.
Kaugnay nito, nangangamba si PO3 Saez na walang maganap na imbestigasyon kaugnay sa kanyang siniwalat na kontrobersiyang sangkot ang matataas na opisyal ng Taguig City police lalo pa at nagkaroon ng leakage sa confidential information sana na kanyang pinarating sa NCRPO chief.
- Latest