MANILA, Philippines - Labing-isa katao ang sugatan nang isang bus ang nawalan ng kontrol at tumawid sa kabilang linya saka sinalpok ang dalawang sasakyan sa may EDSA underpass sa Cubao sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to damage to properties at multiple physical injuries si Dexter Hermogenes, 29, driver ng sumalpok na Santrans bus (PVB-263).
Sinalpok ng Santrans bus ang isang DLTB bus (TYX-997) at isang Toyota Corolla (PLI-796) nang mangyari ang insidente sa P. Tuazon Blvd. underpass ng EDSA, Cubao, ganap na alas-5:15 ng madaling-araw. Ang 11 sugatan ay agad namang nadala sa East Avenue Medical Center (EAMC) para magamot sa tinamo nilang mga galos at sugat sa katawan.
Nangyari ang insidente habang binabaybay ng Santrans ang kahabaan ng south-bound lane ng EDSA, habang ang DLTB bus at Corolla naman ay tinatahak ang north-bound lane ng nasabing lugar. Pagsapit sa P. Tuazon underpass ay bigla na lamang tumawid sa north-bound lane ang Santrans hanggang sa salpukin nito ang nasabing mga sasakyan. Sinabi ni Hermogenes na tinatahak niya ang underpass nang biglang mag-overtake sa kanya ang isang dump truck.
Dagdag nito, tinangka niyang kumanan, pero biglang huminto sa harap niya ang dump truck. Walang nagawa umano si Hermogenes kung hindi ang kumaliwa at tumawid sa center island ng nasabing kalye. Nang makatawid ang Santrans bus ay hindi na nito napigilang sumalpok sa DLTB bus, hanggang sa magtuluy-tuloy ito at muling bumangga sa Corolla.