Tea house hinoldap

MANILA, Philippines - Isang tea house ang hinoldap ng dalawang armadong kala­lakihan matapos na magkunwaring mga kustomer at tangayin ang kita nito at gamit ng iba pang customer sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ayon sa ulat ng La Loma Police Station 1 sa lungsod, hinol­dap ng mga suspect ay ang Chatime Tea house na matatagpuan sa N. Roxas St., Brgy. Sto Domingo sa lungsod.

Bukod sa may-ari ng tea house na si Harold Chang nakuhanan din ng pera at iba pang mamahaling gamit ang mga customer na sina Anna Loraine Angeles, Marilyn Verano, at Michael Geronimo.

Sinabi ni PO3 Remigio Rivera, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente ganap na alas-11:17 ng umaga, nang pumasok ang mga suspect sa Chatime Tea House at nagkunwaring mga kustomer.

Nang makakuha ng tiyempo, biglang naglabas ng baril ang mga suspect at nagdeklara ng holdap, bago tuluyang nilimas ang mga gamit ng mga biktima.

Matapos makuha ang pakay ay agad na lumabas ang mga suspect at sumakay sa isang motorsiklo at tumakas.

Patuloy ang follow-up investigation ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments