MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng Southern Police District ang dalawa sa apat na suspect sa pangga-gang rape sa dalawang babae kamakailan sa Parañaque City.
Kasabay nito, sinampahan na rin ng kaso sina Norie Peruda, 30, obrero, at Marvine Mendiola, 20, kapwa nangungupahan sa boarding house sa no. 276 Casoy St., Sampaloc Site 2, BF Homes, ng naturang lungsod. Isinama rin sa kaso ang mga nakakalaya pang suspect na sina Ramil Pilula at kapatid nitong si Ryan, na pinaghahanap na ngayon ng mga otoridad.
Sa ulat ng SPD, naganap ang panggagahasa dakong alas-7 ng umaga noong Nobyembre 30 sa loob ng boarding house ng mga suspect.
Nabatid na inanyayahan ng suspect na si Ramil ang mga biktima na sina alyas Sheena, 20, college graduate, ng Bacoor, Cavite at alyas Tintin, 17, ng Paco, Maynila.
Ayon sa mga biktima, paulit-ulit silang ginahasa ng mga suspect at ikinulong sa loob ng boarding house. Ilang beses pa umanong naganap ang panggagahasa sa kanila hanggang sa magawang makalabas ng boarding house ng dalawang biktima kamakalawa ng tanghali.
Agad na nagsumbong ang mga biktima sa kani-kanilang mga magulang na siyang humingi ng saklolo sa pulisya.
Mabilis namang sinalakay ng mga otoridad ang naturang boarding house kung saan nadakip sina Peruda at Mendiola.