Pulis sugatan sa pamamaril
MANILA, Philippines - Isang pulis ang sugatan matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang mga suspect habang ang una ay sakay ng motorsiklo papasok sa trabaho sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Camp Crame General Hospital sanhi ng tama ng bala sa kanang tiyan at kanang hita ang biktimang si PO2 Arturo Viernes, 38, nakatalaga sa Caloocan City Police.
Nagsasagawa pa ng follow-up at inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspect.
Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng gabi sa Camarin Road, Urduja Ville, Camarin ng naturang siyudad.
Binabagtas ng biktima ang Camarin Road sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang sumulpot ang mga suspect sa tapat nga gasolinahan at pinagbabaril ang una.
Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspect habang dinala naman sa Bernardino General Hospital ang biktima bago inilipat sa CCGH.
Nagsasagawa na nang imbestigasyon ang mga pulis upang makilala ang bumaril sa kanilang kabaro at motibo ng pamamaril.
- Latest