MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Mayor Alfredo S. Lim na lungsod ng mga bayani ang lungsod ng Maynila at hindi ng mga hoodlum.
Sa kanyang talumpati sa paggunita sa ika-149 kaarawan ni Andres Bonifacio, pinayuhan ni Lim ang mga magulang na alagaan ang kanilang anak upang maiwasan na masangkot sa iba’t ibang kaso.
“Baka isipin ng mga bata, ’yun (hoodlum) pala ang dapat pamarisan kaya mang-holdup na lang tayo. Dapat itala sa isipan ng mga bata, mag-aral mabuti, maging professional, gumawa ng mabuti at tama. Gayahin ang kadakilaan ng ating mga bayani na ang iniisip ay ikabubuti ng bansa. ’Yan ang essence ng celebration na ito,” ang alkalde.
Bagama’t aminado si Lim na may ilang mga kilalang hoodlums at gangters tulad ni Asiong Salonga, ng Tondo mayroon ding mga bayani ang nagmula sa Maynila na kinabibilangan nina Gen. Macario Sakay, Emilio Jacinto at Rajah Soliman.
“Hindi natin puwedeng sabihin na ang Tondo ay pugad ng mga tulisan, mga gangster at mga hoodlum. Maraming bayani ng bayan ang nanggaling at tubong Tondo, kagaya ni Gat Andres Bonifacio. Pinatutunayan niya na ang Maynila ay lungsod ng mga bayani sa pagiging unang bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan, hanggang sa katapusan ng pananakop ng mga Kastila. Nakatatak sa ating kasaysayan ang sari-saring kagitingang likha ng mga Manilenyo,” dagdag pa ng alkalde.
Sa nasabing okasyon, dumating din ang aktor na si Cesar Montano kung saan sinabi nito na kailangan ng Maynila ang isang lider, isang matibay at matapang makipaglaban, at handang ibigay ang buhay niya na nasa katauhan ng alkalde.