MANILA, Philippines - Ibinasura ng Quezon City Court ang kasong libel na isinampa ng aktres na si Amalia Fuentes laban sa talent manager na si Annabelle Rama at sa TV host na si Bianca Gonzales.
Ang kaso ay may kinalaman sa pahayag umano ni Rama sa isang article ni Gonzales na nabanggit ang pangalan ni Amalia na dating nililigawan noon ng asawa niyang si Eddie Gutierrez.
Ayon kay Fuentes ang mga tweets ni Rama hinggil dito ay isang uri ng paninira sa kanya.
Gayunman, nagpalabas ng desisyon si QC Second Assistant City Prosecutor John Patrick Corpuz na nagbabasura sa kasong inihain ni Fuentes dahilan sa wala anya siyang nakitang sapat na basehan para iakyat ang kaso sa mataas na korte.
Wala pa namang naiuulat na reaksiyon si Fuentes sa pagbasura sa kasong nabanggit.