Patay na babae, natagpuan sa trunk ng kotse

MANILA, Philippines - Sanhi nang  mabahong amoy, nadiskubre ang bangkay ng isang babae  sa loob ng trunk ng kanyang kotse sa Caloocan City  kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Marilou Jorge, 49, ng North Matrix Ville, Camarin ng lungsod na ito. Nakagapos ng alambre ang mga kamay, nakasuklob ng sako ang ulo at may sugat sa ulo na hinihinalang  hinataw ng matigas na bagay nang matagpuan ang bangkay.

Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-10:00 ng gabi, nakalanghap ng mabahong amoy ang mga kapitbahay ng biktima na nagmumula sa nakaparadang Honda (CTF-103) malapit sa bahay ng biktima.

Agad na sinabi sa mga barangay tanod ang insidente at nang buksan ang trunk ay tumambad ang bangkay ng biktima.

Nabatid na Martes ng madaling-araw nang makita ng ilang residente ang kotse na nakaparada na sa naturang lugar.

Nagsasagawa na nang imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente.

 

Show comments