MANILA, Philippines - Nagpanik ang mga pasahero ng isang tren ng LRT Line 1 at nagtakbuhan palabas matapos na umusok ang isang bagon nito sa Carriedo Station sa Quiapo Maynila, kahapon.
Ayon kay LRT Authority (LRTA) Spokesman Hernando Cabrera, galing ang tren sa Monumento at patungo ng Baclaran nang bigla na lang itong umusok pagdating sa Carriedo.
Nataranta ang mga pasahero nang isa sa mga ito ang mag-activate ng emergency break at nagbukas ng emergency door kaya’t kani-kaniya nang nagtakbuhan palabas ng tren.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente at agad din namang naibalik sa normal ang operasyon ng LRT-1.
Ang umusok na tren ay dinala sa Central Station upang suriin at alamin ang dahilan ng aberya. Teorya ni Cabrera na posibleng nag-overheat at nag-malfunction ang brake system ng tren kaya umusok ito.