MANILA, Philippines - Isang fiscal ang binugbog umano ng isang ahente ng NBI sa loob mismo ng Hall of Justice sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Assistant City Prosecutor Benjamin Samson, ang sumuntok sa kanyang mukha ay isa sa 10 kalalakihan na nagpunta sa hall of justice ng alas-11 ng gabi.
May kasama umano ang mga suspect ang mga sinasabing NBI agents na isasailalim sa inquest proceedings pero hindi naman malinaw kung ano ang paglabag ng mga inarestong mga suspect na dala ng mga ito.
Pero, sinabihan ang NBI agents ng security guards na walang naka-duty na prosecutor sa mga oras na nagpunta sila para magsagawa ng inquest proceedings.
Tiyempo namang sa oras na nabanggit ay dumating si Samson para kunin ang kanyang ticket na naiwan para sa kanyang naka-scheduled na flight.
Nagpakilala umano sa mga ahente si Samson saka pinaliwanag na ang palitan ng inquest fiscal sa gabi ay mula alas-7 ng gabi hanggang alas -11 ng gabi.
Isa sa mga kalalakihan ay isinalarawang may kalakihan ang pangangatawan, nasa 5’7’’ ang taas, nasa edad 30, at may kaitiman ang balat ang agad na sumuntok at bumugbog kay Samson.
Habang nangyayari ito, ang ibang kasamahan ng suspect ay pina-ikutan naman ang tatlong security guards ng gusali. Matapos nito, agad na umalis ang mga suspect sakay ng kanilang mga sasakyan.
Ang isa sa mga ito ay ang private vehicle na may plakang BEG-961 at ang isa ay government vehicle na may pulang plakang TSM-777.
Ang pangatlong sasakyan ay may markang Security Management Division NBI.