MANILA, Philippines - Nahati ang katawan ng isang 21-anyos na security guard nang mabangga at makaladkad pa ng tren sa Pandacan, Maynila, kahapon ng umaga
Ang biktima ay kinilalang si Michael Antonio, na sinasabing 3 buwan pa lamang namamasukang security guard sa hindi nabanggit na kompanya.
Sa ulat ni PO3 Jeffrey Reyes ng Manila Traffic Bureau, dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa riles ng Philippine National Railways (PNR) na sakop ng Pandacan, Maynila.
Bibili lamang umano ng almusal ang biktima na tumawid sa riles at habang ang atensiyon ay nasa kabilang linya dahil sa paparating na tren na nagmula sa Alabang hindi umano napansin na ang nasa likod niya na opposite lane ay may paparating din na isa pang tren patungong Tutuban na nakahagip sa kaniya.
Ilang metro pang nakaladkad ang katawan ng biktima, dahil hindi umano kaagad nakakapag-preno ang tren, dahilan upang mahati ang katawan nito.