Oil hike uli umarangkada
MANILA, Philippines - Muli na namang nagpatupad ng pagtataas sa presyo ng petrolyo ang mga kumpanya ng langis kahapon ng umaga upang salaminin ang galaw ng presyo nito sa internasyunal na merkado.
Sa advisory ng Seaoil at Phoenix Petroleum, dakong alas-6 ng umaga nang magtaas sila ng P.70 kada litro sa diesel, P.60 kada litro sa premium at unleaded gasoline at P.50 kada litro naman sa kerosene.
Sumabay din ang Petron at Total Philippines na nagpatupad ng kahalintulad na halaga ng pagtataas sa parehong produkto.
Nagtaas naman ang Pilipinas Shell ng P.70 sa diesel, P.60 sa unleaded gasoline at P.50 sa kerosene habang walang paggalaw sa presyo ng kanilang premium gasoline.
Noong Nobyembre 20, unang nagpatupad ng dagdag-presyo ang mga kumpanya ng langis.
Nasa P1.15 kada litro ang itinaas sa presyo ng premium at unleaded gasoline, P.70 sa regular gasoline at P.25 sa kada litro ng kerosene.
- Latest