Mga pekeng MMDA traffic enforcer nagkalat

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Metropolitan Manila Deve­lopment Authority (MMDA) sa mga motorista na mag-ingat sa mga pekeng traffic enforcer na inaasahang nagkalat para rumaket sa mga lansangan lalo ngayong papalapit ang Kapaskuhan.

Ito ay makaraang personal na makahuli si MMDA Chairman Francis Tolentino ng pekeng enforcer noong Linggo ng gabi sa may Buendia flyover malapit sa Roxas Blvd., Pasay City. 

Patungo sana si Tolen­tino sa speaking engagement sa Maynila nang parahin siya ni Edwin Vicen­tino na nakasuot ng Type B uniform at lumang identi­fication card dahil sa inimbentong bayolasyon.

Nagulat na lamang si Vicentino nang bumulaga sa kanya si Tolentino na personal na humuli sa suspek. 

Ayon kay Tolentino, hindi na nagre-report sa kanyang duty si Vicentino mula pa noong Nobyembre 2011 kaya naman tinanggal na ito sa listahan ng traffic enforcers.

“(The) MMDA is very strict regarding these matters­ and we do not tolerate such behavior from any of our enforcers or employees. Mr. Vicentino, by posing as a figure of autho­rity with malice is tainting the name of our agency,” ayon kay Tolentino.

Bukod sa mga pekeng traffic enforcer, binalaan din ni Tolentino ang mga regular enforcer na maaaring manamantala sa mga motorista ngayong Kapas­kuhan. 

Kailangan umano ng MMDA ang pakikipag­tulungan ng publiko sa pamamagitan ng pag-uulat­ ng mga bulok na traffic enforcer­ na sangkot sa iligal na operasyon sa kanilang Metrosolusyon website­.

Show comments