MANILA, Philippines - Nagbaril sa sarili ang isang 37-anyos na call center assistant manager nang mabigo umano itong makuha ang mas mataas na posisyon sa trabaho sa San Andres, Maynila, kahapon ng hapon.
Patay na nang madiskubre sa loob ng kanyang silid sa Albastro St., San Andres Bukid, ang biktimang kinilalang si Jose Martin, na may butas ang sentido at sa tabi nito ay ang kalibre .22 na baril na ginamit sa pagpapatiwakal.
Sa ulat ni SPO1 Jonathan Moreno ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:00 ng hapon nang madiskubre ng kanyang nakatatandang kapatid na si Bernadeth sa loob ng silid ng biktima.
Sinabi naman ng ama ng biktima na si Antonio Martin, walang napuna o senyales sa biktima na may plano itong magpakamatay dahil huling nakitang buhay dakong alas-12:00 ng tanghali kahapon na naninigarilyo sa veranda ng kanilang bahay.
Subalit, sa kuwento aniya ng kasintahan na si “Jenny” nagpapaalam umano ito sa kanya nang walang dahilan.
Kamakalawa ng gabi ay nanggaling pa umano sa isang party kasama ang mga kaibigan. Bigo rin umano ang biktima na masungkit ang mas mataas na posisyon na inaplayan nito sa kanyang pinapasukang call center.