MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa publiko lalo na sa mga regular na pasahero ng Light Rail Transit Line 1 at 2 na aayusin muna ang mga sirang elevators, escalators at mga palikuran bago magsagawa ng pagtataas sa pasahe sa susunod na taon.
Sinabi ni LRT Authority spokesman Atty. Hernando Cabrera na nagpalabas na sa kanila ng kautusan si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na ayusin lahat ng sirang mga pasilidad sa kanilang mga istasyon.
Kabilang sa mga inirereklamo ng mga pasahero ang mga sira-sirang elevators at escalators na pahirap lalo na sa mga may kapansanan at mga matatanda dahil sa napipilitang umakyat sa mga matataas na hagdan at maging ang kawalan ng palikuran lalo na sa mga lumang istasyon ng LRT mula Baclaran hanggang Monumento.
Bukod dito, mahigpit din umanong iniutos ni Abaya ang pagsasaayos sa serbisyo sa mga pasahero at dagdag na seguridad.
Ito’y makaraang tuligsain ang LRTA nang pumutok ang kontrobersyal na “Amalayer video” sa internet ukol sa isang estudyante na nagtatatalak sa isang security guard dahil sa pabastos na pagsita umano sa kanya.
Bagama’t maraming kumakastigo sa inasal ng estudyante, marami rin ang nagsabi na marami ring mga guwardiya at empleyado, lalo ang mga teller ng LRT ang mga bastos sa mga pasahero.
Itinanggi naman ni Cabrera na sa Enero 2013 na itutuloy ang pagtataas sa pasahe ng LRT dahil sa kasalukuyang isinasailalim pa umano ito sa dagdag na deliberasyon ng DOTC.