Jeepney vs motorsiklo: Indian national utas

MANILA, Philippines - Utas ang isang  Indian national  habang sugatan ang anak nito at isang pulis matapos salpukin ng isang pampasaherong  jeepney kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center sanhi ng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Ajit Kumar, 51,  ng Maya-Maya St., ng nabanggit na lungsod.

Ginagamot naman sa nasabing ospital sanhi ng pinsala sa katawan ang anak ng nasawi na si Ajay, 7 at si PO1 Luis Hizon, na nakatalaga sa  Malabon City Police.

Nasa kustodya  naman ng Navotas City Traffic Bureau ang suspek na si John Espiritu, taga-Bagong Silang ng lungsod na ito.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:40 ng gabi sa Honorio Lopez St., Navotas City.

Nabatid na pumapasada ang suspek dala ang Isuzu Jeepney (PUV-440) at pagsapit sa nabanggit na lugar  ay nag-overtake sa sinusundang jeepney kung saan na­salpok ng suspek ang ka­salubong na mag-ama sakay ng isang motorsiklo na Honda (2677-RN) na naging dahilan upang tumilapon ang mga ito.

Tumilapon ang motorsiklo ng mag-ama na tumama naman sa motorsiklo ring minamaneho ni Hizon.

Matapos ang aksidente ay dali-daling isinugod ang mga biktima sa naturang ospital at ang suspek namang si Espiritu ay sumuko sa pulisya.

 

Show comments