Special child, natusta sa sunog
MANILA, Philippines - Isang 16-anyos na binatilyo, na umano’y special child, ang nasawi matapos na makulong sa loob ng kanilang nasunog na bahay sa San Juan City kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Elmer Baccay at residente ng 604 Paraiso St., Brgy. Corazon de Jesus, San Juan.
Sa imbestigasyon ng San Juan Fire Station, lumilitaw na nagsimula ang sunog dakong alas-6:00 ng gabi sa bahay na inuupahan ng pamilya ng biktima at pagma-may-ari umano ng isang Editha Edralin.
Dahil pawang gawa sa light materials ang dalawang palapag na apartment ay mabilis na kumalat ang apoy sa buong kabahayan at mga kalapit na bahay.
Tatlong bahay ang naapektuhan ng sunog, na umabot sa unang alarma bago tuluyang naapula dakong alas-7:00 ng gabi.
Nabatid na nag-iisa lang ang biktima sa loob ng bahay nang maganap ang sunog dahil lumabas ang kanyang mga kapamilya upang maghain umano ng piyansa sa kanyang ama matapos madakip ng mga awtoridad sa hindi tinukoy na kaso.
Halos hindi na makilala sa tindi nang pagkasunog ang biktima nang matagpuan malapit sa pintuan ng kanyang kuwarto, palatandaan na tinangka nitong tumakas mula sa nasusunog na bahay ngunit hindi na nito nagawa.
“Tinangka pang lumabas nung bata kasi nandun sya malapit sa pintuan ng kwarto pero dahil may deformities yung paa nya at hindi normal ang pag-iisip nung makita yung apoy natakot kaya nakulong na lang doon,” ayon kay Chief Insp. Gilbert Dolot, Fire Marshal ng San Juan.
Tinatayang aabot sa P400,000 ang halaga ng napinsala at apat na pamilya ang naapektuhan sa nasabing sunog.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
- Latest