2 beses nasagasaan kelot lasog sa taxi at 10-wheeler truck

MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 38- anyos na lalaki makaraang  magkasunod na mabundol ng isang taxi at isang ten-wheeler truck sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police Traffic Sector 4, nakilala ang nasawi na si Mario Basa, residente ng Brgy. San Roque sa lungsod.

Nagawa pang maitakbo si Basa ng mga rumispondeng kagawad ng MMDA sa East Avenue Medical Center pero binawian din ito ng buhay.

Partikular na nakabundol sa biktima ay ang isang Sturdy taxi (UVB-566) na minamaneho ng isang Joel Fradejas, 44, at isang Ten Wheeler truck (PMC-856) na minamaneho naman ng isang Ronald Dumdom, 23.

Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Edsa southbound lane partikular sa harap ng Raymund Transport bus terminal, Immaculate Concepcion, ganap na alas-2:30 ng madaling-araw, habang kapwa binabagtas ng taxi at ten wheeler ang nasabing lugar nang biglang tumawid ang biktima at aksidenteng mabundol ito ng una.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ng ilang metro ang biktima sa kalsada, bago muling nasagasaan ito ng na­turang truck.

 

Show comments