UNA bet sabit sa ‘shabu sa Pajero’

MANILA, Philippines - Pinasisilip ng Bayan Muna ang pagkakadawit umano ng pangalan ng tumatakbong bise-alkalde ng Caloocan City na si Atty. Antonio Mariano Almeda matapos mahuli sa sasakyang nakapangalan umano rito ang bultu-bulto at milyong halaga ng droga sa Makati City noong Martes ng hapon.

Ayon kay Ferdinand Gundayao, chairman ng Bayan Muna-Caloocan Chapter, mariin nilang kinokondena ang mga kumakandidatong nasasangkot ang pangalan sa droga.

“Ayaw natin ng ganyan (politikong nasasangkot sa droga), malaki ang epekto ng ganyan sa moralidad ng ating mga kabataan kaya’t dapat lamang na huwag nating ha­yaan na mapasok tayo ng mga tinaguriang narco-politics,” sabi pa ni Gundayao kasabay ng hamon kay Almeda na harapin ang akusasyon. 

Si Almeda ay ka-tandem nina 1st District Congressman Oca Malapitan na kandidato sa pagka-alkalde at Councilor Along Malapitan na tumatakbo namang kinatawan ng unang distrito ng Caloocan.

Nasangkot ang pangalan ni Almeda  matapos na ma­huli ang isang American national na si Brian Hill, 32, sa isang condominium unit sa Makati City noong Martes ng hapon.

Si Hill ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ini­labas ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) at nasamsam dito ang may P50 milyong halaga ng shabu  at iba pang droga sa isang Mitsubishi Pajero na may plakang SEP-825 na siyang ginagamit ng suspek na nakapangalan umano kay Almeda.

Matapos ang operas­yon, agad na nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) at natukoy na ang Pajero na pinaglagyan ng mga droga ay sasakyan ng gob­yerno na gamit ng dating staff ni Ang Galing Pinoy party-list Representative Juan Miguel “Mikey” Arroyo na si Almeda.

Sa ipinalabas pang statement ng National Power Corporation (Napocor), ang naturang sasakyan ay naka-temporary loan kay Almeda simula pa noong April 2008 habang si Mikey Arroyo ay chairman pa ng House Committee on Energy.

Samantala, nanawagan naman ang iba’t-ibang non-government organizations sa Caloocan City na suriing mabuti ng mga bontante ang pagkatao ng kanilang mga iboboto upang hindi mapasok ng narco-politics ang lungsod.

Kaugnay nito, isinailalim na kahapon sa inquest proceedings sa Department of Justice (DoJ) ang dayuhang si Hill. Pinangasiwaan ni State Prosecutor Ana Noreen Devanadera ang inquest proceedings kay Hill.

Sa panig naman ng kampo­ ni Hill, sinabi ni Atty. Gary Lauron, hihilingin nila sa  DOJ na magsagawa ng preliminary investigation.

Wala namang ibinigay na anumang komento si  Lauron kaugnay sa Mitsu­bishi Pajero­ na kabilang sa ebidensiya, kung saan nasamsam ang siyam na kilo ng shabu, ma­liban pa sa nakumpiska sa tahahan ni Hill sa Column Tower.

 

Show comments