MANILA, Philippines - Tinadtad na ng saksak, ginilitan pa ang isang umano’y bading na staff ng isang konsehala ng umano’y kanyang lover kamakalawa sa Valenzuela City.
Dead on arrival sa Valenzuela General Hospital ang biktimang si Domingo Dimas, 36, staff ng isang konsehala sa Valenzuela City at naninirahan sa Villa Martha Subdivision, Brgy. Parada ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa salaysay ng pamangkin ng biktima na si Jerico James Dimas, dakong alas-4:45 ng hapon ay nagising siya sa pagtulog sa unang palapag ng bahay ng biktima dahil nakarinig siya ng kaguluhan sa kuwarto ng kanyang tito na nasa ikalawang palapag naman.
Aakyat sana ang pamangkin, subalit nakita nitong palabas ang biktima, ngunit isinara at kinandado ng suspek ang kuwarto nito.
Nakita ng saksing pamangkin na may bahid ng dugo ang pinto ng kuwarto na naging dahilan upang lumabas ito ng bahay, ini-lock sa labas ang pinto ng bahay at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Makalipas ang ilang sandali ay nakita ang suspek na pilit na binubuksan ang pintuan ng bahay sabay sabing hinimatay aniya ang biktima habang nakikipagtalik, subalit hindi naniwala si Jerico at hindi nito tinanggal ang lock sa labas.
Dahil dito, nagawa namang dumaan sa terrace ng suspect at tumakas matapos isagawa ang pagpatay.
Dahil na rin sa paghingi ng tulong ng pamangkin ay pinuntahan naman ng mga kapitbahay ang biktima na duguan na at dinala sa naturang pagamutan, subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Ayon pa sa saksi, ilang beses pa lang niyang nakikita ang suspek na hinihinalang boyfriend ng biktima.
Inilarawan lang ang suspek na may taas na 5’8” hanggang 5’10”, nasa edad 20 hanggang 30, maputi at may kalakihan ang pangangatawan.