Sa aktong tumatanggap ng suhol BIR official timbog ng NBI
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil umano sa pagtanggap ng P100,000 suhol mula sa isang negosyante.
Kinilala ni NBI Director Nonnatus Caesar Rojas ang dinakip na si Thelma Binuya, Revenue Officer I, 53, ng Calumpit, Bulacan at naka-assign sa BIR Revenue Region No. 5, Revenue District Office No. 27, Caloocan City.
Haharapin ni Binuya ang kasong paglabag sa Republic Act 3019, mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa reklamo ni Joselito B. Ramos, President/General Manager ng Sinusoidal Electrical Support, Inc. (SES).
Sinabi ni Rojas na naaktuhan nila si Binuya habang tinatanggap ang suhol na salapi sa entrapment operation noong nagdaang Biyernes.
Batay sa reklamo, humingi ng kunsiderasyon ang naturang kompanya para mabayaran nila nang unti-unti sa loob ng 18 buwan ang kanilang tax liability na P2,408,703.91.
Gayunman, itinuro umano ni BIR-RDO Albino M. Galanza kay Binuya ang External Auditor ng kompanya na si Mr. Gerardo Espino upang mapag-usapan ang naturang kahilingan.
Ayon kay Espino tiniyak sa kanya ni Binuya na maaaprubahan ang kanilang kahilingan subalit hiningan siya ng karagdagang P100,000 nito bilang konsiderasyon kapalit ng tulong.
Dalawang araw ang nakalipas, tinawaran umano ni Espino ng P80,000 ang hinihingi ni Binuya na pinayagan naman ng huli at noong November 16, 2012 ay sinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Binuya.
- Latest