Call center agent na holdaper, arestado

MANILA, Philippines - Arestado  ang isang call center agent na suma-sideline na holdaper nang masakote ng mga tauhan ng Parañaque City Police matapos na biktimahin ang isang taxi driver, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.

Nakilala ang nadakip na suspek na si Carlo G. Santos, 25, binata, call center agent, at residente ng South Switzerland St., BLS, Brgy. Don Bosco, Parañaque.  Nakatakas naman ang hindi pa naki­kilalang lalaki na kasama ni Santos.

Dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente makaraang parahin ang biktimang si Eddie Preagola, 43, taxi driver, ng West Fairview, Quezon City, ng dalawang suspek sa may Buendia, Makati at nagpahatid sa may Valley 1, Parañaque.

Nang makarating sa may Dominic Savio St., Brgy. Don Bosco, naglabas ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap.  Nilimas ng dalawang suspek ang P2,000 kinita ni Preagola sa pamamasada at maging ang cellular phone nito bago puwersahang pinababa ng taxi at saka tumakas ang mga suspect gamit ang sasakyan ng biktima.

Sumakay naman ang biktima ng tricycle at nagpahatid sa Don Bosco Police Community Precinct saka iniulat ang krimen. Agad na nagsagawa ng pursuit operation ang mga pulisya kung saan nasakote ang suspek na si Santos lulan pa ng naturang taxi at narekober ang kalibre .38 gamit sa krimen habang nakatakas ang kasamahan nito.

Nakadetine na ngayon si Santos sa Parañaque detention cell at nahaharap sa kasong robbery hold-up at carnapping.

Show comments