MANILA, Philippines - Patay ang isang 32-anyos na lalaki makaraang aksidenteng mabaril ang sarili habang pinaglalaruan ang baril sa harap ng kanyang mga kainuman sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Nasawi habang ginagamot sa ospital dulot ng isang tama ng bala sa likurang bahagi ng kaliwang tenga ang biktimang si Darwin Macaannling, furniture maker, may-asawa at residente sa Block 3, Lot 3, Tagumpay St., Brgy. Pag-asa sa lungsod.
Ayon kay PO3 Cristituto Zaldarriaga, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may bahay ng isang Ruelfredo Fan, sa Tagumpay St., dakong alas-2:30 ng madaling-araw.
Bago nito, nag-iinuman ang biktima kasama sina Domingo Nayve, Gregorio Gelina at Fan nang sa kalagitnaan ng kasayahan ay maglabas ng kalibre 38 paltik na baril ang una.
Sinabi ni Gelina, hindi nila inaasahang maglalabas ng baril si Macaannling kaya nagulat sila nang paglaruan ito sa harap nila.
“Nagulat na lang kami nang paglabas ng baril, inilapag niya sa mesa tapos nilagyan ng isang bala. Pinagsabihan ko na itabi, kasi may bata nga kaming kasama sa inuman baka pumutok,” sabi ni Gelina.
Pero sa halip na sumunod, dinampot umano ng biktima ang baril, saka paulit-ulit na pinagulong ang bola na lalagyan ng bala at itinutok sa kanyang bibig at kinalabit, pero masuwerteng hindi pumutok.
Dito ay kinabahan na ang tatlong kainuman kaya nagpasya silang pagsabihan muli ang biktima na itigil na ang kanyang ginagawa.
“Kahit anong sabi namin sa kanya (biktima) hindi siya tumigil, sabi pa nga niya, ‘walang problema, wala sa ’kin to,’ habang pinapagulong ang bola ng baril,” dagdag ni Gelina.
Ilang sandali, nakarinig na lamang umano ang tatlo ng apat na magkakasunod na kalabit ng gatilyo, kung saan ang huli nito ay pumutok at nakita nila ang biktima na dahan-dahang nanglupaypay mula sa kanyang kinauupuan at may umaagos na dugo mula sa kanyang kaliwang tenga.
Sa pagkabigla ay nagpulasan papalabas ng bahay ang tatlo, saka humingi ng tulong sa barangay na siya namang nagtakbo sa biktima sa East Avenue Medical Center.
Tinangka pang isalba ng mga doktor sa ospital ang buhay ng biktima, pero ganap na alas-7 ng umaga ay tuluyan nang idineklara itong patay.