MANILA, Philippines - Nadakip ng mga awtoridad ang isang lalaking miyembro ng ‘Basag-Bukas Kotse Gang’ na umano’y responsable sa serye ng mga insidente ng pagnanakaw sa mga sasakyan sa Pasig City, kahapon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Insp. Rodrigo de Dios, hepe ng Station and Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasig City Police, ang suspek na si Richie Nuñez. 34, residente ng Jenny’s Avenue, Brgy. Rosario, Pasig City.
Ayon kay De Dios, ang suspek ay naaresto matapos mahuli sa aktong kinukuha ang mga mahahalagang gamit mula sa kotse ng isang Janet Washington, 42, ng Grand Emerald Tower, Ortigas Center, Pasig City.
Sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Robles St., Eastbank Road cor. E. Rod. Ave., Brgy. Manggahan, Pasig City.
Ayon sa biktima, ipinarada niya ang kanyang Toyota Fortuner (ZEP-422) sa harap ng furniture shop sa naturang lugar.
Gayunman, habang naghahanap sila ng kanyang kasamang si Sheila Bangalan ng ilang items sa naturang shop ay napansin umano nilang may tao sa loob ng sasakyan. Nang kanyang tingnan ay nakita ang suspek na ninanakaw ang kanyang mga gamit kaya’t agad na humingi ng tulong sa ilang bystander na siyang humabol sa suspek.
Nakatawag naman sa atensiyon ni Jose Montero, member ng Traffic and Parking Management Office (TPMO) ng Pasig City Hall, ang komosyon at ito na ang umaresto sa suspek.