MANILA, Philippines - Patay ang isang hindi pa kilalang lalaki matapos pagbabarilin ng tatlong armado sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inilarawan ang biktima na nakasuot ng kulay blue na t-shirt at fatigue na shortpants.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa tatlong suspect na umano’y armado ng kalibre 45 na tumakas matapos ang pamammaril.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:10 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Instruccion at Sobriedad Sts., Sampaloc, Maynila. Nauna rito, nakaduty sina Barangay Chairman Antonio Reyes at Brgy. Kagawad Ariel Reyes ng Brgy. 547 Zone 54 nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril at sigawan ng mga tao sa nasabing lugar.
Inusisa ng dalawang barangay officials at nakitang may nakabulagta nang lalaki na duguan ang katawan.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang limang basyo ng kalibre .45 na ginamit sa pamamaril. Isang Baby Banes ang nakakakilala umano sa biktima na umano ay si alyas “Pipi”.