MANILA, Philippines - Winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga kemikal at mga aparato sa paggawa ng shabu na nagkakahalaga ng P13 milyon sa Valenzuela City kahapon ng umaga.
Dakong alas-10:00 ng umaga nang simulang wasakin ang mga aparato sa paggawa ng shabu sa inuupahang bodega na matatagpuan sa Brgy. Punturin ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo Cacdac, Jr., ang pagwasak sa mga laboratory equipments at paglusaw sa mga kemikal sa paggawa ng shabu ay isang paraan upang hindi maghinala ang publiko na muling naibebenta ang mga nakumpiskang droga.
Nabatid na kabilang sa mga nilusaw ng PDEA ay ang 387.67 liters ng toluene, hydrochloric acid, ethyl alcohol, chloroform, methyl ethyl ketone at acetone.
Ang mga winasak ay bahagi ng mga nakumpiska sa mga nakaraang operation laban sa droga.