Brgy. tanod dapat salain – Lim
MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang lahat ng punong barangay na salain o alamin ang background ng itatalagang mga barangay tanod sa kanilang lugar upang makatiyak na mapagkakatiwalaan at hindi nasangkot sa anumang krimen.
Isa umanong halimbawa ang naganap na karumal-dumal na pagpatay sa bank executive, sa ina nito at sa kasambahay sa Sta. Cruz, Maynila noong nakalipas na Lunes ng madaling-araw kung saan ang suspect ay isang barangay tanod.
Magugunitang pinagsasaksak sa leeg ang mga biktima nang mabuko ang ginawang panloloob ng barangay tanod na si Nestor Felizalde Jr., ng Brgy. 225 Zone 21, sa bahay ng mga biktima.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Manila Police District, si Felizalde Jr. ay ilang beses nang nakulong sa iba’t ibang kasong kriminal kabilang ang pagnanakaw at paggamit ng iligal na droga. Siya ay huling napiit sa Manila City Jail noong 2004 hanggang 2008 sa kasong robbery-holdup.
Batay sa nakalap na memorandum ni Lim na may ilang taon nang inisyu para sa mga barangay chairman sa pamamagitan ni barangay bureau director Atty. Analyn Buan na dapat ay maingat sa pagkuha ng gagawing barangay tanod at dapat na may iprisinta ang mga itong police clearance.
Kahapon dakong alas-10:00 ng umaga nang isailalim sa inquest proceedings si Felizalde sa Manila Prosecutor’s Office sa kasong 3 counts ng robbery with homicide.
Nadakip si Felizalde sa isang follow-up operation noong gabi ng Lunes. Napatay ni Felizalde si Evelyn Tan, 40, Vice President ng Banco de Oro-Makati Branch; ang ina nitong si Teresa Go Tan, 65; at Cristina Bartolay, 22, ang stay-in housemaid.
- Latest